September 21, 2013

I wish I didn’t love you so…


Marahil lahat tayo ay binigyan ng pagkakataong makita ang taong pinangarap nating makasama habang buhay. Pero hindi lahat sa atin ay mabibigyan ng pagkakataong sila’y lubusang makilala o makasama man lang ng ganun katagal.

Mapalad ako dahil dinala ka sa akin ng hangin ng kapalaran. Ikaw ang nagpatunay na masaya palang maglakbay na may kasama sa daan ng buhay. Ang nagbigay ng kahulugan sa salitang love na noon ay naririnig ko lang sa kanta o nobela.

Sampung bagay ang kaya kong gawin para sa iyo.

Una, magiging tapat ako. Kung paiiyakin kita, paiiyakin na kita ngayon. Mas mabuting maaga pa lang, malaman mo na ang pangit na katotohanan kesa lokohin kita ng isang magandang kasinungalingan.

Pangalawa, aalamin ko ang mga bagay na nagpapasaya sa iyo. Kahit di ko masayadong gusto, sasamahan kita mag window-shopping, mag-foot spa, o mamasyal sa Aura o Divisoria. Kikilalanin ko sina Hinata at Naruto, pati na rin sina Anastasia Steele at Christian Gray, para alam ko kung bakit sa mga kuwento nila ay kinikilig ka. I te-treat kita sa mga cheesy movies ng Star Cinema at hahayaang ipaubaya ang remote control pag Pimetime Bida.

Pangatlo, bubusugin kita hindi lang ng mga paborito mong pagkain, kundi pati na rin ng mga trivia na kinaaaliwan mo. Matalino ka kaya dapat alam ko rin ang pinagkaiba ng parliamentary sa presidential type of government, ang etymology ng pork barrel, kung magkano ang unit cost ng isang F-22 Raptor, at kung inaatake rin ba sa dagat ng mga pating ang babaeng may regla.

Pang-apat, hindi ako mahihiyang ipakita sa iyo ang totoong ako. Aaminin kong hindi ako perpekto kahit may pagka OC ako. Hindi ko itatagong nakokornihan ako sa mga kanta ni Choi Si-Won o ng One Direction. Kahit kulelat ako sa Physics, perfect 10 naman ako pagdating sa romansa. Mabuti nang alam natin pareho ang hagod, bango, baho, kiliti, kakayahan at kahinaan ng bawat isa.

Pang-lima, hahabaan ko pa ang pisi ng aking pasensya, mas mahaba ng isang istasyon sa pinagdugtong-dugtong na LRT 1 & 2, MRT at PNR. Hindi na kailang matagal ka mag-bihis. Minsan, may pagka fickle-minded pa. Pag may usapan tayo ng 7, darating ka ng 8 o 9. Matututo na akong masanay sa lahat ng mga bagay na kinakainisan ko sa iyo. Pagti-tiyagaan kong hanapin saang lupalop man ng grocery o online store yang Speculoos cookie butter para mapawi lang ang delubyong dala ng galit mo.

Pang-anim, hihingi ako ng sorry kung nasaktan kita, lalo na kung alam kong mali ako.

Pang-pito, hahayaan kitang gawin ang mga bagay na gusto mo, susuportahan sa pag-abot ng iyong mga pangarap, at bibigyan ng sariling espasyo. Sa mga oras na may problema ka, hindi ko ipagkakait ang aking likod na puwede mong sandalan o tengang handang makinig sa ingay ng iyong katahimikan. Ako ang magsisilbing lakas sa panahong mahina ka, magpapahid sa iyong mga luha, at mag-aalaga sa iyo hanggang maging okey ka na.

Pang-walo, gaya ng pagtibok ng aking puso, hindi ko pipigilan na mahalin ka, kahit pa sa mga sandaling hindi mo batid. Pagmamasdan kita habang tahimik na natutulog, dahan dahang hahaplusin ang iyong pisngi, hahawiin ang buhok na nakatakip sa iyong matang nakapikit, at hahalikan sa noo tanda ng pag-ibig kong hindi basta-basta maglalaho. Yayakapin kita sa iyong pagkakahimbing sa hele ng musika ng iyong bawat paghinga. Sa mga sandaling ito, hawak-hawak ko na ang isang bagay na ayaw kong mabuhay nang wala.

Pang-siyam, hinding-hindi kita babaguhin. Pero karapatan kong salungatin ang iyong mga paniniwala, sumbatan kung mali ka, at tawanan kung tatanga-tanga ka. Kahit sa mga sandaling mahirap kang intindihin, makakaasa kang tatanggapin ko pa rin ng buong-buo ang iyong pagkatao gaya nung araw ng hindi ka mag-alinlangan na sabihin sa akin na handa kang suungin lahat ng balakid pati buhay na walang kasiguraduhan, makasama lang ako.

At pang-huli, minsan na rin kitang nasaktan kaya hindi na ako lilihis sa tamang landas na tatahakin ng ating kuwento. Hahawakan ko ang iyong kamay bilang patunay na kahit kailan hindi ka na mag-iisa. Hindi na kita iiwan, sa lungkot at saya, sa hirap at ginhawa hanggang sa ating pagbuo ng pamilya at sabay na pagtanda. Pangakong sa piling mo lamang iikot ang aking ngayon, bukas at magpakailanman.

Siguradong handa na akong tuparin lahat ng ito.

Pero siguro… kung malaya ka nang mahalin uli ako.

2 comments:

Unknown said...

Sir Frencel, ang ganda naman nito. Suupper nakakakilig!:)

Love will find its way for both of you. Sana magmeet uli kayo..

Unknown said...

Sir Frencel, ang ganda naman nito suuuuper kilig to the bones. Sana magmeet ulit kayo.