Marahil lahat tayo ay binigyan ng pagkakataong makita
ang taong pinangarap nating makasama habang buhay. Pero hindi lahat sa atin ay
mabibigyan ng pagkakataong sila’y lubusang makilala o makasama man lang ng
ganun katagal.
Mapalad ako dahil dinala ka sa akin ng hangin ng
kapalaran. Ikaw ang nagpatunay na masaya palang maglakbay na may kasama sa daan
ng buhay. Ang nagbigay ng kahulugan sa salitang love na noon ay naririnig ko lang sa kanta o nobela.
Sampung bagay ang kaya kong gawin para sa iyo.
Una, magiging tapat ako. Kung paiiyakin kita, paiiyakin
na kita ngayon. Mas mabuting maaga pa lang, malaman mo na ang pangit na
katotohanan kesa lokohin kita ng isang magandang kasinungalingan.
Pangalawa, aalamin ko ang mga bagay na nagpapasaya sa iyo.
Kahit di ko masayadong gusto, sasamahan kita mag window-shopping, mag-foot spa,
o mamasyal sa Aura o Divisoria. Kikilalanin ko sina Hinata at Naruto, pati na
rin sina Anastasia Steele at Christian Gray, para alam ko kung bakit sa mga
kuwento nila ay kinikilig ka. I te-treat kita sa mga cheesy movies ng Star
Cinema at hahayaang ipaubaya ang remote control pag Pimetime Bida.
Pangatlo, bubusugin kita hindi lang ng mga paborito mong
pagkain, kundi pati na rin ng mga trivia na kinaaaliwan mo. Matalino ka kaya
dapat alam ko rin ang pinagkaiba ng parliamentary sa presidential type of
government, ang etymology ng pork barrel, kung magkano ang unit cost ng isang
F-22 Raptor, at kung inaatake rin ba sa dagat ng mga pating ang babaeng may
regla.
Pang-apat, hindi ako mahihiyang ipakita sa iyo ang
totoong ako. Aaminin kong hindi ako perpekto kahit may pagka OC ako. Hindi ko
itatagong nakokornihan ako sa mga kanta ni Choi Si-Won o ng One Direction. Kahit
kulelat ako sa Physics, perfect 10 naman ako pagdating sa romansa. Mabuti nang
alam natin pareho ang hagod, bango, baho, kiliti, kakayahan at kahinaan ng
bawat isa.
Pang-lima, hahabaan ko pa ang pisi ng aking pasensya,
mas mahaba ng isang istasyon sa pinagdugtong-dugtong na LRT 1 & 2, MRT at
PNR. Hindi na kailang matagal ka mag-bihis. Minsan, may pagka fickle-minded pa.
Pag may usapan tayo ng 7, darating ka ng 8 o 9. Matututo na akong masanay sa
lahat ng mga bagay na kinakainisan ko sa iyo. Pagti-tiyagaan kong hanapin saang lupalop man ng grocery o online store
yang Speculoos cookie butter para mapawi lang ang delubyong dala ng galit mo.
Pang-anim, hihingi ako ng sorry kung nasaktan kita, lalo
na kung alam kong mali ako.
Pang-pito, hahayaan kitang gawin ang mga bagay na gusto
mo, susuportahan sa pag-abot ng iyong mga pangarap, at bibigyan ng sariling
espasyo. Sa mga oras na may problema ka, hindi ko ipagkakait ang aking likod na
puwede mong sandalan o tengang handang makinig sa ingay ng iyong katahimikan. Ako
ang magsisilbing lakas sa panahong mahina ka, magpapahid sa iyong mga luha, at mag-aalaga
sa iyo hanggang maging okey ka na.
Pang-walo, gaya ng pagtibok ng aking puso, hindi ko
pipigilan na mahalin ka, kahit pa sa mga sandaling hindi mo batid. Pagmamasdan kita
habang tahimik na natutulog, dahan dahang hahaplusin ang iyong pisngi, hahawiin
ang buhok na nakatakip sa iyong matang nakapikit, at hahalikan sa noo tanda ng
pag-ibig kong hindi basta-basta maglalaho. Yayakapin kita sa iyong
pagkakahimbing sa hele ng musika ng iyong bawat paghinga. Sa mga sandaling ito,
hawak-hawak ko na ang isang bagay na ayaw kong mabuhay nang wala.
Pang-siyam, hinding-hindi kita babaguhin. Pero karapatan
kong salungatin ang iyong mga paniniwala, sumbatan kung mali ka, at tawanan
kung tatanga-tanga ka. Kahit sa mga sandaling mahirap kang intindihin,
makakaasa kang tatanggapin ko pa rin ng buong-buo ang iyong pagkatao gaya nung
araw ng hindi ka mag-alinlangan na sabihin sa akin na handa kang suungin lahat
ng balakid pati buhay na walang kasiguraduhan, makasama lang ako.
At pang-huli, minsan na rin kitang nasaktan kaya hindi
na ako lilihis sa tamang landas na tatahakin ng ating kuwento. Hahawakan ko ang
iyong kamay bilang patunay na kahit kailan hindi ka na mag-iisa. Hindi na kita
iiwan, sa lungkot at saya, sa hirap at ginhawa hanggang sa ating pagbuo ng
pamilya at sabay na pagtanda. Pangakong sa piling mo lamang iikot ang aking
ngayon, bukas at magpakailanman.
Siguradong handa na akong tuparin lahat ng ito.
Pero siguro… kung malaya ka nang mahalin uli ako.